Dating PCSO GM Rosario Uriarte, hiniling na makapagpiyansa sa kasong plunder dahil sasailalim sa chemotherapy

arroyo-uriarte
INQUIRER FILE PHOTO

Hiniling sa Sandiganbayan ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Rosario Uriarte, na payagan siyang makapagpiyansa dahil sa kondisyon ng kaniyang kalusugan.

Si Uriarte ang itinuturing na “missing link” sa plunder case ni dating Pangulo at ngayon ay House Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo.

Sa 15-pahinang mosyon na isinumite ni Uriarte sa First Division ng Sandiganbayan, hiniling din nito as mga mahistrado na maisailalim siya sa house arrest sa loob ng anim hanggang sampung buwan dahil nakitaan siya ng tumor sa kaniyang dibdib.

Ani Uriarte inirekomenda sa kaniya ng kaniyang duktor na sumailalim siya sa “neoadjuvant or pre-operative” chemotherapy bago siya operahan.

Si Uriarte kasama si Arroyo at walong iba pa ay kinasuhan ng plunder ng Office of the Ombudsman noong July 2012 kaugnay sa maanumalyang paggamit ng pondo ng PCSO na nagkakahalaga ng P366-million.

Sumuko siya noong Nobyembre matapos ang mahigit apat na taon na pagtatago.

 

 

 

Read more...