Nagsagawa ng demonstration ang Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame para ipakita kung gaano katindi ang impact ng pagsabog ng mga ipinagbabawal na paputok.
Bagaman noon pa marami nang mga ipinagbabawal na paputok na kumakalat sa merkado tuwing ganitong panahon, taun-taon ay may mga bagong pangalan pa rin ng malalakas na paputok na inilalabas ang mga manufacturer at kadalasan ibinabatay ang tawag dito sa pangalan ng mga sikat na na personalidad.
Ilan lamang sa mga bawal na paputok ngayon ay tinawag ng mga manufacturers nito na “De Lima”, “Aldub” at “Dugong”.
Ayon sa PNP-Explosive and Ordnance Division, maituturing na bawal ang paputok kapag lumagpas ito sa specifications na itinatakda ng Republic Act 7183.
Pag-amin pa ng acting director ng PNP-EOD na si Sr. Supt. Remigio Gregorio, ngayon lamang siya nakakita ng uri ng trayanggulo na sobra ang laki ng sukat.
At para ipakita kung gaano kalakas ang ilan uri ng paputok na kumakalat ngayon sa ilang pamilihan katulad ng “De Lima”, “Aldub” at “Dugong” ay sinindihan ng EOD ang ilan sa mga ito.
Ipinakita naman ni Acting Police Community Relations Group Director, Chief Supt. Gilbert Cruz ang pinsala na dulot ng malalakas at iligal na uri ng paputok
Samantala, sinabi ni Cruz na mahalagang ipinakikita sa mga tao ang masamang epekto ng mga iligal na paputok dahil ang iba aniya ay madalas na nakalilimot lalo na kapag nagkakasayahan na sa pagsalubong sa bagong taon.