Hindi muna gagawin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ngayong taon ang tradisyunal na flyby ng kanilang mga air assets sa kanilang anibersaryo bukas.
Ito ay upang makabawas sa gastos at maiwasan ang pag-antala sa air traffic lalo na’t sa Maynila ito gaganapin.
Ayon kay AFP spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla, kung sa Clark ipagdiriwang ang kanilang anibersaryo, magiging madali sana dahil hindi sila makakagulo ng airspace.
Ngunit dahil dito sa Maynila gaganapin ang anibersaryo, busy aniya ang airspace at kakailanganin pa nilang magpaalam.
Sa tuwing anibersaryo kasi ng AFP, isinasagawa ang tradisyunal na parada na may kasamang high-speed pass at flyby ng mga existing aircraft.
Noong nakaraang taon na pagdiriwang, hindi bababa sa 40 ang mga air military assets ang ibinida ng Philippine Air Force.
Dagdag pa ni Padilla, isa pa sa mga dahilan kung bakit hindi na sila magsasagawa ng flyby ay dahil gaganapin ang event bukas ng alas-3:00 ng hapon.
Layon aniya nila na magkaroon ng simple, hindi magastos pero makahulugang pagdiriwang ngayong taon. Bagaman walang flyby, magkakaroon pa rin naman ng showcase ng mga ground assets.
Inaasahan naman na pamumunuan ni Pangulong Duterte ang anniversary rites bukas.