Handang magbitiw sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte sakaling mapatunayan na sangkot sa katiwalian ang sinuman sa kanyang mga anak at kamag-anak.
Ito ang paninindigan ng pangulo sa kanyang pangunguna sa isang boodle fight para sa mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG).
Ayon kay Pangulong Duterte, binanggit na niya ito sa kanyang pamilya at maninindigan siya sa kanyang mga salita.
Tiniyak ng pangulo na agad siyang magbibitiw sa puwesto kung mapapatunayan na may kurakot sa kanyang pamilya.
Kasabay nito, inutusan ni Duterte ang PSG at iba pang government employees na huwag bibigyan ng special treatment ang sinuman na gagamitin ang kanyang pangalan kapalit ng pabor.
Bukod sa kanyang kampanya kontra sa iligal na droga at kriminalidad, nangako rin ni Pangulong Duterte na susugpuin niya ang lahat ng uri ng katiwalian sa bansa sa kanyang termino.
Nagpaalala din ang pangulo sa lahat ng miyembro ng PSG na huwag maging tapat sa kanya at kung sakaling may magawa siyang mali, maaari nilang gawin ang kahit na ano sa kanya.