Sa kanyang mensahe sa Christmas party ng mga pulis sa Kampo Crame, sinabi ni Dela Rosa na magpapatuloy ang pagdami ng bilang ng mga nasasawi sa ilalim ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan kontra droga sa ilalim ng Duterte administration.
Hiling ni Dela Rosa, ipagdasal ng publiko ang mga pulis at hilingin dito na patawarin ang mga pulis dahil sa mga napapatay sa kanilang giyera kontra droga.
Aminado rin si Dela Rosa na maraming mga grupo ang sumakay sa kanilang kampanya at naglunsad ng kani-kanilang mga vigilante style na pagpatay.
“Hindi namin inaamin na sa amin ‘yun. Trabaho namin ‘yun but because namamatay sila as a consequence sa aming war on drugs, either sinakyan, sumabay sa aming drug war, but still buhay pa rin ‘yun, namatay pa rin ‘yun,” dagdag ni Dela Rosa.
Nagpaliwanag pa ang PNP Chief na maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi rin pabor na may namamatay sa mga lansangan ngunit dahil mahal nito ang mga Pilipino, kinailangang pumatay ng mga sangkot sa droga upang masagip ang mga inosenteng buhay.
Sa kabila ng kanyang paghingi ng kapatawaran, nangako si Dela Rosa na magpapatuloy ang mga insidente ng patayan at hindi nila ititigil ang kampanya kontra droga.