DND nabahala sa pagkumpiska ng China sa drone ng US

 

Nakababahala para kay Defense Sec. Delfin Lorenzana ang pag-kumpiska ng China sa underwater drone ng US Navy sa katubigang malapit sa teritoryo ng Pilipinas sa South China Sea.

Ayon kay Lorenzana, maaring madagdagan ng mga ganitong insidente ang “miscalculations” na pwedeng mauwi sa “open confrontation.”

Ang mga ganitong insidente aniya ay posibleng magkaroon ng negatibong epekto sa pag-iral ng karapatan ng Pilipinas sa mga pinagkukunang yaman sa EEZ (exclusive economic zone) nito.

Inilunsad ng US ang nasabing underwater drone noong Huwebes mula sa isang US ship, nang bigla itong kumpiskahin ng Chinese naval vessel kung kailan kukuhanin na sana ito ng mga Amerikano.

Binatikos naman ng Pentagon ang ginawa ng China, at iginiit na isa itong pagnanakaw ng ari-arian.

Paliwanag nila, ginagamit nila ang drone para sa kanilang isinasagawang scientific research.

Nagdesisyon naman ang China na ibalik na ang drone, pero inaayos pa ng magkabilang panig ang proseso nito.

Read more...