Sinuspinde ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pag-iral ng number coding sa mga pribadong sasakyan sa Metro Manila para sa December 23, araw ng Biyernes, at sa December 29 na araw ng Huwebes.
Ito ay kahit ang dalawang nabanggit na petsa ay hindi naman deklaradong holiday.
Ayon kay MMDA General Manager Tim Orbos, layon ng suspensyon na mabigyang pagkakaton ang mga motorista na makabiyahe ng maaga patungo sa kanilang mga destinasyon kung saan nila ipagdiriwang ang Pasko at Bagong Taon.
Para kasi sa mga uuwi ng lalawigan upang doon ipagdiwang ang Pasko, inaasahang sa Biyernes, December 23 ang dagsa ng mga motorista.
At dahil ang December 30 naman ay regular holiday din para sa Rizal day, inaasahang sa December 29 pa lamang ay magsisimula nang bumiyahe ang mga uuwi sa lalawigan para sa Bagong Taon.
Suspendido din ang number coding sa December 26 at January 2 na parehong araw ng Lunes dahil idineklara itong special non-working holiday ng Malakanyang.
Gayundin sa December 30, araw ng Biyernes na isang regular holiday.