Kasunod ng maraming pagbabago ngayong taon sa taunan at inaabangang Metro Manila Film Festival (MMFF), malilihis naman ngayon ang ruta ng Parade of Stars na gaganapin sa Dec. 23 sa karaniwan nitong dinadaanan taun-taon.
Sa halip kasi na sa Roxas Boulevard tulad ng nakasanayan, sa Manila City Hall na gagawin ang kick off ng nasabing parada na matatapos sa Plaza Miranda.
Nag-abiso na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista na ka-klaruhin nila ang mga maaapektuhang kalsada, at mato-tow naman ang mga sasakyang iligal na nakaparada sa umaga ng araw na iyon upang bigyang daan ang parada sa hapon.
Ayon kay MMDA supervising officer for operations Bong Nebrija, nais nilang mas ilapit sa mga tao ang parada, lalo na’t Quiapo day ang Biyernes at sa Plaza Miranda ito magtatapos.
Dagdag pa ni Nebrija, maglalabas sila ng mga alternatibong ruta dahil ito ang Biyernes bago mag-Pasko kaya inaasahang malaki ang magiging epekto sa trapiko oras na huminto ang mga floats sa Plaza Miranda.
Inihahanda na nila aniya ang magiging traffic scheme nang sa gayon ay hindi nito maapektuhan ang trapiko sa Quezon Boulevard.
Mula sa Manila City Hall, kakanan sa Taft Avenue ang parada patungong Jones Bridge, tutuloy sa Quintin Paredes, kakanan sa Reina Regente Street, kanan ulit sa Claro M. Recto Avenue, at kakaliwa sa Rizal Avenue.
Kakanan naman ito ulit sa Fugoso Street, kanan sa Quezon Boulevard at saka hihinto sa harap ng Quiapo Church.