Sa susunod na linggo ay pwede nang pumunta sa mga licensing centers ng Land Transporation Office (LTO) ang mga nag-aply ng lisensya sa pagitan ng January 2 hanggang October 15 ng kasalukuyang taon para kunin ang kanilang mga plastic cards.
Ipinaliwanag ni LTO Chief Edgar Galvante na nagawan na nila ng paraan ang halos ay tatlong milyong backlog sa mga LTO plastic cards kung saan 700,000 sa mga ito ay mula sa mga aplikante at nagpa-renew sa Metro Manila.
Sinabi rin ni Galvante na tiyak na nilang maibibigay ang mahigit sa 500,000 plastics cards sa pagitan ng December 19, 2016 hanggang sa February 2, 2017.
Nakiusap rin ang mga opisyal na umiwas na makipag-transaksyon sa mga fixers na umano’y nag-ooperate pa rin sa ilang tanggapan ng LTO.
Nilinaw rin ni Galvante na walang babayaran ang mga kukuha ng mga plastic cards dahil binayaran na ito noong sila ay nag-apply o nagpa-renew ng mga lisensya.