De Lima, nanawagan kay Duterte na pag-aralan ang ibinigay na kondisyon sa pagbisita ng UN special rapporteur sa bansa

De-Lima-Duterte-620x426Hinimok si Sen. Leila de Lima ang Duterte administration na muling isaalang alang ang desisyon na magpatupad ng “inflexible” conditions sa pagbisita ng UN special rapporteur on extra judicial killings sa bansa.

Sa isang pahayag, sinabi ni De Lima na nararapat lang na payagan ng gobyerno si UN special rapporteur Dr. Agnes Callamard na bumisita sa bansa at imbestigahan ang laganap na pagpatay sa mga drug suspek.

Kung walang aniyang itinatago si Pangulong Rodrigo Duterte ay dapat hayaan niya ang UN special rapporteur na imbestigahan ang umano’y extra judicial killings na nagaganap sa bansa.

Sinabi din ni De Lima na kung ang kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga ay naaayon sa batas, wala dapat ikatakot si Pangulong Duterte.

Una nang napaulat na kinansela ang pagbisita ni Callamard sa Pilipinas matapos tumanggi ang special rapporteur sa itinakdang kondisyon ni Pangulong Duterte at nang kanyang pamahalaan.

Pero itinanggi naman ni Foreign Affairs Sec. Perfecto Yasay Jr. na ang gobyerno ang nagkansela sa pagbisita ni Callamard sa bansa.

Nakadepende na aniya kay Callamard kung papayag siya sa kondisyon ni Pangulong Duterte.

Sa panig naman ni Callamard, sinabi nito na ang kondisyon na itinakda ni Duterte at paglabag sa kanilang Code of Conduct and Terms of Reference for country visits.

Read more...