Kerwin Espinosa, pinabulaanan ang planong pagpatay kay Espenido

espenido kerwinMariing itinanggi ni Kerwin Espinosa na pinaplano niyang patayin si dating Albuera, Leyte chief of police Chief Insp. Jovie Espenido.

Ayon sa abogado ni Kerwin na si Atty. Lanie Villarino, sinabi ng suspected Eastern Visayas drug lord na inakusahan siya ni Espenido na kinakausap niya ang kanyang mga tauhan sa Albuera ukol sa planong pagpatay sa opisyal.

Hindi aniya siya pinapayagan na gumamit ng cellphone at hindi totoo na nakausap niya ang kanyang mga tao sa Albuera sabay giit na bantay sarado siya ng mga pulis bente kwatro oras.

Sinabi rin ni Kerwin na tanging mga kapatid at kamag-anak lamang niya sa Albuera ang kanyang nakausap noong mga panahon na ililibing na ang kanyang ama na si Mayor Rolando Espinosa Sr.

Mismong ang kanyang mga abogado aniya ay hindi rin pinapayagan na magdala ng cellphone sa tuwing bibisitahin siya.

Una nang ibinunyag ni Espenido na nakakagamit si Kerwin ang mobile phone.

Pinabulaanan din ni Kerwin ang alegasyon ni Espenido na gumawa ito ng isang ‘made-up affidavit’.

Kasalukuyang nasa kustodiya na ng NBI si Kerwin simula nang mailipat ito mula sa Camp Crame, gabi ng Miyerkules.

Read more...