Pera at trip to Europe, umulan sa raffle sa Kamara

 

Mula sa google

Limpak-limpak na pera at mga plane tickets papuntang Europe ang ipinamigay sa magarang raffle sa Christmas party ng mga miyembro ng Kamara de Representantes noong Miyerkules ng gabi.

Gayunman, walang nais umamin kung kanino nanggaling ang marangyang mga papremyong ito.

Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, nag-donate si dating Davao del Norte Rep. Antonio “Tonyboy” Floirendo Jr. ng P1 milyong halaga ng cash prize, na hinati nila sa isang premyo na may halagang P500,000 at 10 premyong tig-P50,000 bawat isa.

Ngunit, itinanggi naman ng dating mambabatas na sa kaniya nanggaling ang donasyon.

Sa panayam ng Inquirer kay Floirendo, sinabi niyang hindi ito totoo at na regalo dapat iyon kay House Speaker Pantaleon Alvarez.

Hindi naman naging malinaw kung ibinigay niya ba talaga itong personal na regalo kay Alvarez o kung namigay talaga siya ng ganoong halaga.

Ayon pa kay Lagman, nag-ambag rin si Alvarez ng P500,000, na hinati sa dalawang premyo na tig-P250,000 bawat isa.

Pero ayon naman sa isa pang mambabatas na tumangging ilabas ang kaniyang pangalan, itinama pa niya ang sinabi ni Lagman at sinabing P1 million talaga ang inilabas ni Alvarez na hinati sa dalawang premyo na tig-P500,000.

Aniya pa, pawang mga “pledges” naman ang mga malalaking premyo at na wala namang mambabatas ang nakapag-uwi ng mahigit pa sa P250,000.

Isang kongresista rin mula sa northern Luzon ang nag-donate umano ng P250,000, habang isa pang mambabatas mula naman sa southern Luzon ang nagbigay ng P249,000 para rin sa raffle prize.

Sabay namang itinanggi ni Alvarez ang paglalabas ng pera, maging ang pagtanggap ng pera mula kay Floirendo.

Hindi rin niya aniya alam kung sino ang nag-ambagan para sa raffle prizes dahil maaga siyang umuwi.

Tinutukso na aniya siya na dapat magpa-raffle siya ngunit iginiit niyang wala siyang pagkukuhanan ng pera.

Sakali naman aniyang totoong nagbigay nga ng pera si Floirendo, walang nakikitang mali si Alvarez dito dahil malamang na galing ito sa personal niyang pondo at hindi sa kaban ng bayan.

Samantala, inamin naman ni Lagman na nanalo siya ng P250,000, habang kabilang naman aniya sa ibang papremyo ay plane tickets papuntang Europe.

Read more...