3 PNP official na naging kontrobersyal, kabilang sa mga nabigyan mataas na puwesto

 

Si Sr. Supt. Glenn Dumlao na ang magiging bagong pinuno ng PNP Anti-Kidnapping Group.

Nakilala si Dumlao nang madawit ito sa kaso ng pagdukot at pagpatay sa PR man na si Salvador ‘Bubby’ Dacer at driver niyang si Emmanuel Corbito noong 2001.

Nang maganap ang Dacer-Corbito murder case, deputy chief for operations si Dumlao ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force o PAOCTF-Luzon na pinangungunahan noon ni Senador Panfilo Lacson.

Nagtago pa sa Amerika si Dumlao ngunit naging state witness kaya’t naalis sa listahan ng mga akusado sa krimen.

Papalitan ni Dumlao si Sr. Supt. Manolo Ozaeta na malilipat sa PNP Legal Service.

Bukod kay Dumlao, dalawa pang mga dating naging kontrobersyal na opisyal ng PNP ang mabibigyan ng puwesto sa pinakabagong revamp.

Kabilang dito si Director Fernando Mendez Jr., na magsisilbing number 4 man ng PNP bilang bagong pinuno ng PNP Directorial Staff.

Si Mendez ang nagbigay ng intelligence packet sa Special Action Force (SAF) sa kontrobersyal na Mamasapano incident na ikinamatay ng teroristang si Marwan kapalit ng buhay ng 44 na SAF commandos.

Magsisilbi naman bilang bagong Deputy Chief for Administration sa Central Visayas regional police office si Chief Supt. Franklin Moises Mabanag.

Si Mabanag ay naging kontrobersyal naman nang kasuhan ng broadcaster na si Ted Failon matapos siyang arestuhin nito sa kalagitnaan ng imbestigasyon sa pagkamatay ng maybahay ng mamamahayag noong Abril, 2009.

Read more...