Nagsimula ang usapan nang makalimutan ni Pnoy na banggitin o bigyang parangal sa kanyang SONA ang SAF FALLEN 44. Bagay na ginamit naman ng husto ni VP Binay sa kanyang TSONA.
Sumaludo pa isa isa si Binay sa mga namatay na pulis sa kontrobersyal na “8×26 feet TAGALIGTAS mural” na dating nakalagay sa pader ng Camp Mariano Castaneda sa Silang Cavite.
Lalo pang lumalim ang kontrobersya nang inisnab din daw ni Pnoy ang “unveiling” ng nasabing mural noong Marso 25 , araw ng Alumni Homecoming ng PNPA.
Bukod dito, iniutos pa raw ni Pnoy ang pagpapaalis sa naturang mural sa kampo.
Ito’y nagkakahalaga ng P3.5 M na gawa ng Erehwon Arts Center kung saan ang P1.5M ay donasyon ng sa tulong ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI). Kasama ring itinayo ang isang 18-foot monument na tinawag na “Bantayog Tagaligtas: Heroic 44” na nilikha ni Jose “Al” Giroy.
Ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma, walang katotohanan ang mga balita na mismong si Presidente ang nagpaalis sa nasabing Mural sa PNPA.
Mismong may-ari daw nito ang nag-tanggal, ayon sa report ng mismong mga opisyal ng PNPA at PPSC.
Sa ngayon, ang mural ay nakalagay na sa isang pader sa Coconut Palace na siyang official residence ni VP Binay.
Pero, panibagong kontrobersya ang lumitaw na naman matapos hindi man lang banggitin ni Pnoy sa kanyang talumpati sa 114th anniversary ng PNP ang kabayanihan ng SAF 44.
Kumalat din ang balita na dalawang miyembro nito ang dapat tumanggap ng mga award pero, diumano’y nawala sa listahan.
Pati pamilya ni SAF Police officer Romeo Cempron, ay binigyan pa ng pamasahe ng PNP-SAF mula Leyte pati bibihisan para dumalo sa nasabing awards ceremonies.
Kasama sila sa preparasyon, pero last minute ay hindi na araw itinuloy at galing daw sa Presidential Management Staff ang order.
Paliwanag naman ng PNP, yun lang daw awardees sa 2014 ang naka-schedule at hindi nakasama ang 2015.
Marami tuloy ang nag-iisip ngayon.
Umiiwas ba talaga si Pnoy sa SAF 44. Sabi ni Sec. Coloma, walang tigil si Pnoy sa pagkilala at pagbigay ng livelihood assistance at iba pang tulong sa mga naiwan ng SAF 44.
Wala rin itong tigil daw sa pagkilala sa kanilang kabayanihan. Kayat, ang taumbayan ay nag-iisip.
Pulitika nga ba ito ni VP Binay o talagang inisnab o iniiwasan ng Pangulo?
Kung susuriin, tatlong insidente ang sentro ng diskusyon.
Una, iyong pag-uwi ng mga nasawing sundalo sa Nichols Air base, Ikalawa, ang di pagbanggit sa huling SONA at ang ikatlo sa 114th PNP anniversary nitong nakaraang lingo.
Tatlong sitwasyon na ginagatasan ng husto ni VP Binay dahil alam ng kampo niya na ang SAF 44 ay malapit sa puso ng sambayanang Pilipino.
Bukod dito, pasok na pasok ito sa batikos niyang “palpak at manhid” ang Daang Matuwid .
At dahil malapit na ang eleksyon, nais ng kasalukuyang administrasyon na pahabain pa ang kanilang poder sa susunod na anim na taon sa pamamagitan ni DILG sec. Mar Roxas.
At sa panig ng taumbayan , kailangan sagutin nina Roxas , Liberal party at Daang Matuwid ang lumalatay na akusasyon ngayon.
Magiging “manhid at palpak” din ba kayo kapag nagwagi sa 2016 elections?
Kung hindi niyo masagot, tiyak ibabasura kayo ng taumbayan!