Nakapaglagay na umano ang China ng mga weapon kabilang na ang anti-aircraft at anti-missile systems sa pitong artificial islands na itinayo nito sa South China Sea.
Ito ang iniulat ng U.S. think tank batay na rin sa bagong satellite image na kanilang nakuha sa lugar.
Ayon sa Asia Maritime Transparency Initiative (AMTI), bagaman ilang beses nang sinabi ng China na wala silang intensyon na palalain ang tensyon sa mga isla, iba naman ang ipinakikita nitong mga hakbang.
Sinabi ng AMTI na may nakita silang konstruksyon ng mga hexagonal structures sa Fiery Cross, Mischief at Subi reefs sa Spratly Islands mula Hunyo at Hulyo.
May nakita na ring konstruksyon sa Gaven, Hughes, Johnson at Cuarteron reefs batay sa latest image na nakuha ng AMTI noong nakalipas lang na buwan ng Nobyembre.
Sa Hughes at Gaven reefs may nakitang imahe na mistulang anti-aircraft guns at close-in weapons systems (CIWS) na layong protektahan ang isla laban sa missile strikes.
Sa Fiery Cross Reef naman may makikitang towers na mistulang pangharang sa radar.
Ang larawan na kuha noong Nobyembre ay inilabas ng AMTI noon lamang Martes.