Sa ulat ng Reuters, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay sa isang panayam sa Pnomh Penh, Cambodia na hindi na tuloy ang pagpunta sa nakatakdang pagdalaw ni Agnes Callamard sa susunod na taon.
Paliwanag ni Yasay, hindi pumayag si Callamard sa mga kondisyong inilatag ni Pangulong Rodrigo Duterte bago ito payagang makapunta sa bansa upang simulan ang imbestigasyon sa EJK.
Kung hindi aniya papayag ang UN Special Rapporteur sa mga kondisyon ng pangulo, hindi maaring matuloy ang pagpunta ng kinatawan ng UN dito.
Bagama’t hindi tinukoy kung alin sa mga kondisyon ni Pangulong Duterte ang hindi sinang-ayunan ng UN Special Rapporteur, matatandaang nais sana ng pangulo na harapin sa isang public debate ang kinatawan ng UN.
Dapat sana ay sa unang quarter ng taon nakatakdang tumungo si Callamard sa bansa.