Nakakita ng kakampi si Commission on Higher Education (CHED) Chairperson Patricia Licuanan sa mga kapwa nito opisyal sa loob ng ahensya.
Ito makaraang itanggi ng ilang opisyal ng CHED na kasama silang pumirma sa manifesto na humihiling na tanggalin sa posisyon si Licuanan.
Ayon kay CHED Deputy Executive Director Napoleon Imperial, hindi siya kasama sa mga nananawagan ng bagong liderato sa CHED.
Maliban kay Imperial, hindi rin aniya pumirma sa manifesto sina Dr. Luisa Valencia, Dr. Amelia Biglete, Dr. Napoleon Juanillo Jr., Dr. Ma. Teresa Semana, Dr. George Colorado, Dr. Maura Consolacion Cristobal, Dr. Leonida Calagui at Atty. Carmelita Sison.
Matatandaan noong Lunes, naglabas ng manifesto si Executive Director Julito Vitriolo bilang suporta sa pagbabawal kay Licuanan na dumalo sa mga cabinet meetings umpisa noong December 5, 2016.
Sinabi ni Vitriolo na pirmado niya at labing-anim pang opisyal ng nasabing dokumento.