Katulad ng resulta sa isinagawang imbestigasyong ng National Bureau of Investigation (NBI), nakasaad sa findings ng Senate probe na “premeditated” ang pagkakapatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr.
Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs na nag-imbestiga sa Espinosa killing, pareho lamang sa NBI ang naging findings ng Senado.
Pero sinabi ni Lacson na mayroon silang bagong impormasyon na nakuha sa isinagawa nilang imbestigasyon.
Partikular na kinuwestyon ni Lacson ang salungat na pahayag ni Supt. Marvin Marcos na siyang namumuno sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Eastern Visayas.
Sinabi aniya ni Marcos na alas-kwatro y media ng madaling araw ng November 5 pinasok ng raiding team ng CIDG Region 8 ang kulungan ni Espinosa.
Pero nadiskubre sa pagdinig ng Senado na bandang 3:49 ng madaling araw pa lamang ay tumawag na ng SOCO ang mga pulis.
Ayon kay Lacson, lumalabas na may ibang layunin si Marcos nang hindi nito sabihin ang totoong oras ng pagpasok ng mga pulis sa kulungan ni Espinosa.
Malinaw aniya na may masamang hangarin si Marcos kung bakit binago nito ang timeline.
Kasabay nito, sinabi ni Lacson na ilalabas nila ang committee report sa susunod na buwan o Enero 2017.