Naratipikahan na ng Senado ang P3.35 Trillion na 2017 National Budget makaraan ang ilang oras na delibarasyon.
Labing-pitong mga Senador ang bumoto pabor dito, samantalang hindi naman pumabor sa pagpapatibay ng pambansang budget sina Sen. Ping Lacson at Win Gatchalian at nag-abstain si Sen. Tito Sotto.
Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Sen. Loren Legarda, pinuno ng Senate Finance Committee na maituturing na pro-poor ang kauna-unahang budget na pinagtibay sa ilalim ng Duterte administration.
Tiniyak din ng mambabatas na makakaabot sa mga rural areas ang nasabing pondo na mapapakinabangan ng mas maraming mga Pinoy.
Sa kanyang panig sinabi naman ni Lacson na maituturing na “pork” ang P35 Billion na bahagi ng pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na ilalaan sa ilang infrastructure projects sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Ikinatwiran ni Lacson na may sariling pondo ang ARMM kaya malamang na magamit lamang bilang pork fund ang nasabing pondo.
Kabilang sa mga big ticket projects na nabigyan ng malaking pondo sa panukalang 2017 National Budget ay ang P8 Billion para sa Commission on Higher Education (CHED) na pakikinabangan ng mga mag-aaral sa mga State Universities and Colleges (SUCs).
Naglaan rin ang pamahalaan ng P3 Billion bilang dagdag na pondo ng Philheatlh.
Umaabot sa mahigit sa P2 Billion ang dagdag na pondo para sa mga health facilities ng Department of Healt sa mga malalayong lugar.
May allocated rin na P100 Million na pondo para sa mga Centenarian o yung mga buhay pa na may edad 100 taon pataas.