Isinagawa ng Department of Transportation (DOTr) at ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang dry run para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng “Nose-In, Nose-Out Policy” sa kahabaan ng EDSA.
Ayon sa Inter-Agency Council on Traffic o i-ACT, sa ilalim ng nasabing polisiya, ang mga bus ay hindi pwedeng pumasok at lumabas ng kanilang terminal ng paatras.
Nakapagdudulot kasi ito ng pagbagal ng daloy ng traffic sa EDSA dahil matagal makapasok at makalabas ng terminal ang isang pampasaherong bus kung ginagawa nila ito ng paatras.
Bukas, December 15, pormal nang ipatutupad ng i-ACT ang “Nose-In, Nose-Out Policy”.
Sa ilalim ng MMDA Resolution 16-06, bawal din ang mga provincial buses na bumaybay sa EDSA-Timog hanggang EDSA-P.Tuazon southbound mula alas sais ng umaga hanggang alas diyes ng umaga, Lunes hanggang Biyernes.
Nakasaad din sa nasabing resolusyon na bawal sa mga private at public utility vehicles na magsakay o magbaba ng pasahero at mga kargamento sa mismong harapan ng mga bus terminal.