Laban kontra terorismo, pinaiigting ni Duterte

duterteBago siya tumungo sa kaniyang state visit sa Cambodia, nabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte na isang Singaporean ngayon ang namumuno sa pagbuo ng presensya ng ISIS sa Sulu at Southeast Asia.

Ito ay kasunod na rin ng lumabas ang mga ulat na kumikilos na umano ang mga Islamic State militants para magpakalat ng kanilang mga tagasunod sa Southeast Asia dahil humihina na ang kapit nito sa Syria.

May mga lumabas rin na ulat na 13 dayuhan ang nakakalat sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao kabilang na ang ilang Syrians, Indonesians at Malaysians para sanayin ang mga lokal na terorista sa paggawa ng bomba at urban terrorism.

Dahil dito, dayuhan man o lokal na terorista, nagbilin si Pangulong Rodrigo Duterte na durugin ang mga pwersa ng terorismo sa bansa, lalo na ang nakaambang pagpapalawak ng impluwensya ng Islamic State group sa Southeast Asia kabilang na ang Pilipinas.

Ayon kay National Security Adviser Hermogenes Esperon, ibinilin sa kanila ng pangulo na walang dapat hayaang makalusot na terorista, dayuhan man o hindi.

Una nang nagbabala noon si Pangulong Duterte na madaling makakapasok ang ISIS dito sa bansa sa pamamagitan ng sympathizers nito sa Maute group.

Samantala, nasabi rin ni Duterte na sa kaniyang pagbisita naman sa Singapore, kabilang sa mga tatalakayin nila ni Prime Minister Lee Hsien Loong ay ang paglaban sa terorismo, karahasan at radicalization pati na ang laban kontra iligal na droga.

Read more...