Humarap sa mga mamamahayag ang dalawang deputy commissioners ng Bureau of Immigration (BI) na nakuhanan sa CCTV footage na bitbit ang milyun-milyong perang suhol na tinanggap umano nila mula sa online gambling tycoon na si Jack Lam.
Bitbit pa nina Commissioners Michael Robles at Al Argosino, ang bungkos-bungkos na pera na tig-iisang libong piso at inilatag sa lamesa nang sila ay magpatawag ng press conference sa Intramuros Maynila.
Katwiran ni Argosino, ang pera ay gagamitin nilang ebidensya sa korapsyon laban kay Jack Lam.
Sa P50 milyon, sinabi ni Argosino na P48 milyon ang nakuha nila at ang P2 milyon ay kinuha umano ni Wally Sombero.
Maliban kay Lam at Sombero, pinangalanan din ni Argosino ang dalawang interpreters na sina Norman Ng at Alexander Ty at si Acting BI Intelligence Chief Police Director Charles Calima Jr. na sangkot sa korapsyon sa ahensya.
Una nang iginiit nina Argosino at Robles kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre II na sila ay biktima ng frame up.
Kaugnay nito, sinampahan na rin ng kaso nina Argosino at Robles sina Ng, Ty, Sombero at Lam
Reklamong corrpution of public officials at paglabag sa anti-wiretapping law ang isinampa laban sa apat sa Department of Justice.