Apat na drug suspects, patay sa hinihinalang drug den sa Pasig

 

Kuha ni Jong Manlapaz

Hindi na umabot pa ng Pasko ang apat na katao matapos silang pasukin at pagbabarilin ng mga armadong grupo habang gumagamit umano ng shabu sa isang bahay sa Purok 5, Dr. Sixto Antonio Avenue, Brgy. Maybunga, Pasig City magha-hatinggabi.

Kinilala ang mga nasawi na sina Bernie Alarcon alyas “Sunog,” may-ari ng bahay, at ang mga kaibigan nito na sina Ka Olan, Jayson at isang alyas Onay.

Ayon sa mga saksi, tatlong riding in tandem o nasa anim na katao na may suot ng bonet sa mukha ang paikot-ikot sa lugar, bago pasukin ang bahay ng mga napatay.

Sa ikalawang palapag ng bahay pinatay ang apat, habang hindi naman sinaktan ang dalagitang pamangkin ni Alarcon at ang kaibigan nitong babae.

Ayon sa ilang kapitbahay ng mga napatay, sumuko na sa Oplan Tokhang si Alarcon, pero tinuloy pa rin umano sa pagbebenta ng shabu. Sa katunayan ginagawa pa niyang drug den ang kanyang bahay.

Higit sampung basyo ng baril at ilang plastic sealed sachet na may lamang hinihinalang shabu ang nakuha sa crime scene.

Read more...