Mahigit kalahating taon matapos ang madugong operasyon sa Mamasapano, Maguindanao ay pinarangalan ng Special Action Force ang 51-miyembro nito na karamihan ay kasama sa Oplan Exodus.
Sa taunang memorial day ngayong Sabado ay pinarangalan ng SAF ang mga troopers nito na namatay sa gitna ng pagganap sa tungkulin.
Pero ngayong taon ang pinakamahaba at pinakamadamdaming SAF Memorial Day.
Mga iyak at pighati ng mga pamilya ng SAF 44 ang bumasag sa katahimikan ng seremonya sa SAF headquarters sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Ayon sa ina ni PO2 Russel Bilog, emosyonal sila dahil bumabalik ang sakit sanhi ng pagkamatay ng anak at may sama pa rin sila ng loob sa nangyari.
Suot ang SAF uniform at black beret, pinangunahan naman ni PNP Chief Ricardo Marquez ang memorial dat kung saan pinarangalan sina PO2 Ismael Nahyahan, PO3 Teddy Lagahi, PO2 Theodore de Guzman, PO3 Eusebio Taro, PO1 Wilber Sabling, PO1 Benjamin Posa, at PO3 Abelino Bumanghat.
Sa bawat isang namatay na SAF member ay inalay ang isang tunog ng kampana at 21-gun salute.
Samantala nasa Memorial Day din ang dating SAF Chief Getulio Napenas na nagsabing mabubuting tao ang Fallen 44. Matagal nitong nakasama ang SAF commandos kaya tiniyak niyang mabisita ang pamilya ng mga yumaong dating tauhan./Len Montano