Dating tumakbong mayor at 2 iba pa, patay sa pananambang sa Sultan Kudarat

sultan kudaratNasawi ang isang dating kumandidato sa pagka-alkalde at dalawa niya pang mga kasama nang pagbabarilin sila ng nag-iisang suspek sa isang Christmas party sa Sultan Kudarat.

Ayon sa hepe ng provincial police na si Senior Supt. Raul Supiter, naganap ang pananambang dakong alas-6:30 ng Linggo ng gabi sa tahanan ng biktima at dating kandidatong si Peter Dumrique sa Brgy. Katiku, bayan ng President Quirino.

Bukod kay Dumrique, dalawa niya pang kasama ang nasawi, habana ang ikaapat na biktima naman ay nakaligtas at nadala pa sa ospital.

Base sa paunang imbestigasyon, hindi napansin ang pagpasok ng suspek sa compoung ni Dumrique dahil sa dami ng taong nagdiriwang.

Hinihinalang nagtago umano ang suspek sa mga halaman at saka biglang namaril gamit ang isang M-16 assault rifle.

Ayon pa kay Supiter, laging kasama ni Dumrique ang kaniyang security escort na si SPO1 Jonathan La Forteza dahil sa mga patuloy na natatanggap na banta sa kaniyang buhay.

Naroon ang kaniyang escort nang mangyari ang insidente at sinubukan naman umano nitong kalabanin ang suspek.

Gayunman, nakatakas rin agad ang suspek sakay ng motorsiklong minamaneho ng isang kasabwat.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga pulis kaugnay sa motibo sa pagpatay kay Dumrique, pati na rin ang pagkalap pa ng mas maraming ebidansya.

Read more...