Kasabay ng paggunita ng International Human Rights Day ay ang kabi-kabilang kilos protesta ang isinagawa ng ilang militanteng mga grupo.
Kasama rin dito ang mga pro-Duterte group na nag-ipon sa tabi ng Manila City Hall kung saan pangunahin nilang layunin ay suportahan si Pangulong Rodrigo Duterte.
Kanilang isinisigaw at ginagamit ng mga grupong tumutligsa kay Duterte ang mga kabataan sa kanilang mga demonstrasyon.
Isa sa pangunahing grupo na nag-organisa ng kilos protesta ay ang Duterte Youth Movement kasama ang iba pang grupong umaayon sa mga polisiya ng kasalukuyang pamahalaan.
Ayon kay Ronald Cardema, Chairman ng Duterte Youth Movement, ang mga makakaliwang grupo ay wala ng ginawa kung hindi mag protesta at batikusin sa kung sinuman ang nakaupo sa Malacañang.
Sa kabilang dako naman ng Liwasang Bonifacio ay hindi naman nagpatalo ang mga anti-Duterte groups na nagsagawa ng programa sa kung saan ay kanilang tinuligsa ang paglabag sa karapatang pantao partikular na sa isyu ng extra judicial killings.
Nagsamasama ang ibat ibang grupo tulad ng Carrma, Bayan, Karapatan, Gabriela at iba pang grupo para ibulalas ang kanilang saloobin sa mga nagiging aksyon ng administrasyong Duterte.
Panawagan nila, hindi nila hahayaan na muling magkaaroon ng diktadurya sa bansa na siyang nagpahirap sa maraming Pinoy.
Binatikos din nila ang hindi katanggap-tanggap at patakas na paglilibing kay Dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Ayon kay University of the Philippines Vice Chancellor for Community Affairs Dr. Nestor Castro, maaring maganda naman talaga ang intensyon ni Duterte sa kanyang mga desisyon ngunit ang proseso ng pagpapatupad dito ay nagiging mali.
Hinimok rin ng grupo ang pamahalaan na igalang ang karapatang pantao ng bawat isang Pinoy.
Isang effigy naman ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang kanilang sinunog na umano’y simbolo na hanggang ngayon ay hindi pa tayo nakakalaya sa kamay ng dating strongman.