Pilipinas, umaasa pa ring maging host ng FIBA World Cup sa susunod na pagkakataon

coloma02
Inquirer file photo

Umaasa ang pamahalaan na darating din ang panahon na makakapag-host ang bansa ng isang malaking sporting event tulad ng FIBA World Cup.

Sinabi ni Presidential Communications Operations Office Sec. Sonny Coloma Jr. na walang dapat ikasama ng loob ang mga basketball fans sa bansa dahil sapat din naman ang mga imprastraktura sa bansa para sa ganitong uri ng sports.

“Kaya nating mag-host ng FIBA World Cup kaya lang ay iba ang mga panuntunan at batayan na hinahanap ng FIBA Central Committee kaya hindi napunta sa atin ang hosting sa 2019 FIBA Basketball World Cup” dagdag pa ng kalihim.

Tiniyak din ng kalihim sa publiko na tatapusin ng kasalukuyang administrasyon ang mga nakalinyang infrastructure projects bago bumaba sa puwesto si Pangulong Noynoy Aquino.

Ipinagmalaki rin ni Coloma ang mga proyekto ng pamahalaan sa ilalim ng Public-Private Partnership program ng pamahalaan na ngayon daw ay pina-pakinabangan na ng publiko.

Ipinaliwanag din ng opisyal na inuunang tapusin sa kasalukuyan ng Public Works Department ang ilang mga proyekto na nakatutok sa preparasyon para sa nalalapit na Asia-Pacific Economic Cooperation Summit sa bansa na gaganapin sa buwan ng Nobyembre. / Den Macaranas

Read more...