Ayon kay LP president Sen. Francis Pangilinan, bagaman bahagi pa rin ng majority na kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang partido, inaasahan pa rin ang pagsasagawa nila ng party consultations sa mga susunod na linggo.
Pagkatapos ng holidays, doon na aniya sila magde-desisyon kung pananatilihin pa ba nila ang alyansa o hindi.
Sakali naman aniyang magdesisyon na talaga si Robredo na kunin ang posisyon ng pagiging pinuno ng oposisyon, susuportahan aniya nila ito.
Ani pa Pangilinan, nakausap na rin nila si Robredo tungkol dito.
Matatandaang noong nakaraan sa Meet Inquirer Multimedia, sinabi ni Robredo na ang susunod niyang tungkulin ay ang pag-isahin ang mga boses ng pagka-dismaya at pag-kontra sa mga polisiya ng administrasyon.
Gayunman, iginiit ng bise presidente na patuloy pa rin naman niyang susuportahan ang mga polisiyang isusulong ng administrasyon na kaniyang pinaniniwalaang makabubuti para sa publiko.