Tiniyak ng organizers ng Miss Universe pageant na hindi itatago at pagdadamputin ang mga batang palaboy maging ang mga pulubi sa bansa.
Ayon kay Tourism Undersecretary Kat De Castro, hindi gagawin ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ginawa nang nakaraang administrasyon na pinagbakasyon ang mga palaboy at pulubi nang isagawa ang APEC Summit at bumisita ang Santo Papa sa Pilipinas.
Samantala sinabi ni De Castro na sa Cebu gaganapin ang swimsuit competition para sa Miss Universe pageant.
Sinabi din ni De Castro na nais sana ng organizers ng Miss Universe na sa teritoryo ni Pangulong Duterte sa Davao City gawin ang swimsuit competition.
Pero ayon kay De Castro, may ordinansa na ipinatupad si Duterte noong siya pa ang mayor sa davao na bawal ang pagsusuot ng swimsuit sa mga pampublikong lugar.
Iikutin aniya ng mga kalahok sa Miss Universe ang Siargao, Cebu at Vigan.
Dumalo kanina sa press briefing sa Malakanyang sina Miss New Zealand Tania Pauline Dawson at Miss USA Deshauna Barber.
Sa Enero 13 hanggang 30, 2017 isasagawa ang Miss Universe beauty pageant dito sa Pilipinas.