Sa pamamagitan ng San Miguel Foundation, itatayo ang nasabing drug rehabilitation na nagkakahalaga ng tatlong bilyong piso.
Ayon kay SMC President and Chief Operating Officer Ramon S. Ang, nag nasabing proyekto ay pagpapakita ng kanilang pagsuporta sa anti-drug dependency program ng gobyerno.
Nais aniya nila na makatulong sa mga taong nalulong sa droga lalo na sa mga kabataan na handa nang magbagong buhay.
Dagdag pa ni Ang, nais nilang maging makahulugan ang naturang pasilidad sa mga pamilyang nabiktima ng iligal na droga.
Kasabay nito, pumirma na ng kasunduan sina Cabinet Secretary Leoncio Evasco Jr., Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Ismael Sueno, Department of Health Secretary (DOH) Paulyn Jean Rosell-Ubial, Bataan Provincial Governor Albert Garcia, SMC President and Chief Operating Officer Ramon Ang at Rowena Kristina Amara Velasco na pinuno ng non-profit Pilipinong May Puso Foundation, Inc.’s (PMPF).
Sa nasabing kasunduan, popondohan ng San Miguel ang pagpapatayo sa drug rehabilitation facility sa Bataan.
Papatakbuhin naman ng DOH ang naturang pasilidad at magsusumite ng mga detalye matapos ang consultation sa DILG at Office of the President.
Magsasagawa naman ang PMPF ng programang pangkabuhayan at
capability-building activities para sa mga drug dependents.
Kabilang sa skills training na ituturo sa drug dependents ay entrepreneurship, handicrafts, basic computer and information technology skills, horticulture at animal raising.