Nasa bansa na ang dalawa sa mga kandidata para sa Miss Universe 2016.
Unang dumating pasado alas dos ng madaling araw si Miss New Zealand Tania Pauline Dawson lulan ng Philippine Airlines flight
PR 219.
Si Dawson ay isang half Filipina dahil sa Pinay ang kanyang nanay mula sa Pangasinan.
Nagtapos si Miss New Zealand ng BA double major in drama, film, television and media studies at nagtatrabaho bilang isang media, drama and english teacher.
Bago mag alas singko naman ng umaga ng dumating ang pambato ng Estados Unidos na si Deshauna Barber lulan ng Philippine Airlines flight PR 103.
Si Miss USA ay miyembro ng US Army Reserve at nagtapos ng Business Management sa Virginia State University.
Mayroon din siyang master’s degree sa Information Systems and Services mula sa University of Maryland College.
Nagtatrabaho si Miss USA bilang IT Analyst sa US Department of Commerce.
Bukod sa dalawang kandidata, dumating din ng bansa ang Miss Universe Executive Coordinator na si Rebecca Glassman.
Sinalubong ang mga ito nina Tourism Usec. Kat De Castro at dating Ilocos Sur Governor Luis Chavit Singson na isa naman sa miyembro ng organizing committee.
Inaasahang darating din ngayong araw ang walo pang kandidata ng Miss Universe 2016.
Nakatakda ang mga itong magtungo sa Malakanyang ngayong araw para sa isang press conference.
Ang mga nasabing kandidata ay magtutungo sa iba’t ibang lugar sa bansa para sa kanilang photoshoot at babalik sa kani-kanilang bansa sa December 15, 2016.