Robredo, handa nang maging mukha ng oposisyon

Arnold Almacenn/Inquirer

Handa na si Vice President Leni Robredo na pamunuan ang oposisyon kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Robredo, ang bago na niyang tungkulin ngayon ay ang maging mukha ng mga boses na tumutuligsa sa mga kontrobersyal na polisiya ng pangulo.

Matapos ang pagbibitiw ni Robredo bilang housing czar ng pamahalaan noong Lunes, inasahan na ng kaniyang mga tagasuporta at mga analysts na hindi na maiiwasang maging opposition leader na ang pangalawang pangulo.

Sa kaniyang pagharap sa Meet Inquirer Multimedia Forum kahapon, nabanggit ni Robredo na sa tingin niya ay mahalagang maging vocal siya tungkol sa mga isyung kaniyang pinahahalagahan, at na kausapin ang mga taong kapareho niya ng nararamdaman.

Napapansin aniya niya na maraming tao ang naglalabas ng kanilang galit ngunit wala naman silang makuhang tulong dahil sa kawalan ng leader para sila ay pag-isahin.

Batid naman ni Robredo na ang pagsubok niya ngayon ay kung paano niya hihikayatin ang mga tao na lumantad at ihayag ang kanilang oposisyon.

Mahalaga aniya para sa kaniya na ipakitang hindi siya natatakot, at na handa siyang ibuwis ang lahat para sa mga bagay na tunay niyang pinaniniwalaan.

Hindi rin isinasantabi ni Robredo ang posibilidad ng pakikiisa sa mga taong pumupunta sa kalsada upang ihayag ang kanilang galit o pagkadismaya.

Pero ayon kay Robredo, higit na mas mahalaga ang maipa-intindi nila kay Pangulong Duterte kung bakit nila kinokontra ang ilan sa kaniyang mga polisiya na para sa kanila ay hindi katanggap-tanggap.

Kabilang dito ang pagpayag ni Duterte na ihimlay sa Libingan ng mga Bayani si dating Pangulong Ferdinand Marcos, ang pagbuhay sa parusang bitay, pagbaba sa age of criminal liability at ang madugong laban ng pamahalaan kontra iligal na droga.

Samantala, sa kabila ng kanilang mga hindi pagkakaunawaan, sinabi ni Robredo na hindi niya hinihiling na mapatalsik sa pwesto si Duterte.

Katwiran ni Robredo, wala naman silang away ng pangulo, at hindi naman nangangahulugan ang kanilang hindi pagkakaintindihan na nais na niyang paalisin sa posisyon ang pangulo.

Read more...