Duterte, tuluyan nang tinanggihan ang pagpapalaya sa 130 political prisoners

 

Masyadong marami, at masyadong mabilis.

Ganito inilarawan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kahilingan ng National Democratic Front (NDF) sa pamahalaan na palayain agad ang 130 na political detainees.

Dahil dito, tuluyan nang tumanggi ang pangulo na payagan ang kanilang kahilingan.

Ayon kay Pangulong Duterte, wala pa siyang nakikitang “substantive progress” sa peace talks, pero humihiling na agad ang NDF na palayain ang ganoon karaming mga political detainees.

Humingi ng paumanhin ang pangulo, pero iginiit niya na hindi niya ito kayang gawin.

“As yet, I have yet to see a substantive progress in the talks. They are asking for 130 detainees to be released … Sorry, I cannot do that,” ani pangulo.

Katwiran pa ni Duterte, mauubusan siya ng baraha kung gagawin niya ito, at na ang alas niya na lang ay ang mga natitirang political detainees.

Inihalintulad pa ng pangulo sa isang poker game ang sitwasyon, at sinabing kung mauubos ang mga baraha niya sa pagpapalaya sa mga ito, wala nang iba pang pag-uusapan sa pagitan ng pamahalaan at ng NDFP.

Matatandaang unang sinabi ng pangulo na pakakawalan lang niya ang mga political prisoners oras na malagdaan na ang bilateral ceasefire agreement.

Read more...