Maagang tinapos ni Albert Pagara Jr. ang laban kontra sa Mexican boxer na si Jesus Rios para mapanatili ang kanyang kampeonato sa International Boxing Federation Featherweight Division.
Sa unang round pa lamang ng kanilang bakbakan sa Pinoy Pride 32: Duel in Dubai 2 na ginanap sa Dubai World Trade Center, hindi na nakaporma ang Mexican Boxer sa dami ng pinakawalang mga suntok ng Pinoy Champ.
Ilang segundo pa lamang makalipas ang simula ng laban ay bumagsak na si Rios at bago pa man matapos ang unang round ay tuluyan na siyang hindi nakatayo dahil sa isang malakas na suntok sa mukha na pinakawalan ni Pagara.
Samantala, nag-uwi rin ng karangalan sa bansa si Jason Pagara makaraan niyang talunin via unanimous decision ang karibal na Mexican Boxer na si Ramiro Alcaraz 77-73, 76-74 at 78-72. Pansamantalang natigil ang laban sa kalagitnaan ng 8th round nang ma-headbutt ng Mexicano si Pagara sa kanyang kaliwang mata.
Binawasan ng puntos si Alcaraz dahil sinadya niyang iumpog ang kanyang ulo sa mukha ng Pinoy Boxer.
Pagkatapos ang kanilang 10-round Junior Welterweight encounter ay kaagad na dinala sa ospital si Pagara para tahiin ang putok sa talukap ng kanyang kaliwang mata.
Si Pagara ay may kasalukuyang record na 36-win, 2-loses at 22-knockouts. / Den Macaranas