2 patay sa panibagong pagsabog ng IED sa Basilan

basilan01Limang araw lamang makalipas ang pagsabog ng isang Improvised Explosive Device (IED) sa Basilan Circumferential Road sa may Sumisip Highway na ikinasawi ng isang sundalo ay isa na namang katulad na pagsabog ang naganap.

Pinasabugan sa pagkakataong ito ang mga tropa ng isang kumpanya ng 64th Infantry Battalion kahapon, ika-7 ng Agosto, ala 1:15 ng hapon sa boundary ng Barangay Cabangalan, Unkaya Pukan at Barangay Lagayas,Tipo-Tipo.

Agad na nasawi ang dalawang sundalo na kinilalang sina Corporal Cuyno at Private First Class Asanji. Sugatan naman sa pagsabog ang squad leader na si Staff Sergeant Danilo Go.

Ayon kay Lieutenant Colonel Enerito Lebeco, Commanding Officer ng 18th Infantry Battalion ang IED na nakatanim malapit sa isang tapahan o lukaran ng niyog ay sumabog habang nagsasagawa ng road security ang mga sundalo.

Siniguro rin ni Lebeco na hindi nagkukulang ang pamunuan ng batalyon sa pagpapaalala sa mga tropa na maging lubos na maingat sa kanilang lakad at laging magsagawa ng reconnaissance upang maiwasan ang mga kahalintulad na pangyayari. //Josephine Codilla, Gina Salcedo.

Read more...