Ayon kay Supreme Court spokesperson Atty. Theodore Te, batay sa naging resulta ng imbestigasyon na pinangunahan ni retired Justice Roberto Abad, walang prima facie evidence na nag-uugnay sa tatlong judge sa illegal drug operations sa bansa.
Kabilang sa mga inabswelto sina Judge Exequiel Dagala ng MCTC, Dapa-Socorro, Surigao Del Norte; Adriano Savillo ng Iloilo City, RTC branch 30 at Domingo Casiple Jr. ng Kalibo, Aklan, RTC branch 7.
Dagdag ni Te, sa kabila ng mga sunud-sunod nilang hiling, walang maiharap na testigo ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na mag-uugnay sa tatlo sa iligal na droga.
Binigyang pansin rin ng SC ang pag-lalantad ng mga pangalan ng mga huwes na aniya ay naglagay sa alanganin sa kredibilidad at karera ng mga ito.
Matatandaang noong August 7, ibinunyag ni Pangulong Duterte ang ilang personalidad na nilalaman umano ng kanyang hawak na narco-list.
Kabilang sa mga ito ang pangalan ng mga huwes kaya’t agad na naglunsad ng imbestigasyon ang SC ukol dito.
Samantala, tinatapos na lamang ng SC ang imbestigasyon kay branch 61 ng BAgui City Judge Antonio Reyes, ayon kay Te.