Rolex watch na halos kalahating milyong piso ang halaga, isinauli ni Sec. Piñol sa nagregalo

FB Photo | DA Sec. Manny Piñol
FB Photo | DA Sec. Manny Piñol

“It is the season of giving, but sorry we can’t receive”

Ito ang nakasaad sa Facebook post ni Department of Agriculture (DA) Secretary Manny Piñol matapos niyang isauli sa nagregalo ang isang mamahaling Rolex watch.

Kwento ni Piñol, kamakailan, isang regalo na nakalagay sa maliit na box ang natanggap niya nang siya ay makipagpulong sa ilang matataas na opisyal mula sa malaking agriculture company.

Aniya, hindi niya ito masyadong pinansin, dahil kadalasan naman, kapag nakikipagpulong siya halimbawa sa isang ambassador na nagtutungo sa kaniyang opisina, nag-iiwan ito ng regalo gaya ng handicraft items.

May nagaganap aniyang exchange of presents kapag may formal meetings lalo na kapag courtesy call ng mga opisyal ng foreign agencies.

Pero noong siya ay nasa Kidapawan City, naisipan niyang buksan ang maliit na kahon at nagulat siyang naglalaman pala ito ng isang Rolex submariner na pinapangarap ng marami.

Aminado si Piñol na sumagi din sa kaniyang isip na tanggapin ang regalo, aniya, taong 1995 pa nang huli siyang makapagmay-ari ng Rolex watch na isang Oyster Perpetual at ibinigay lang ito ng kaniyang kaibigan bago pa siya pumasok sa pulitika.

“It was a Rolex submariner, a watch which almost every man dreams of owning. I actually own an old model the Rolex Oyster Perpetual given to me by a late friend, Bening Urquico, before I entered politics in 1995 but I seldom use it because I am not fond of wearing jewelry,” kwento ni Piñol.

Ani Piñol, nang alamin niya ang halaga, nakita niyang aabot sa P450,000 ang presyo ng relo.

Pero batid umano niyang bawal at lalabag siya sa batas kapag tinanggap ang regalo kaya nagpasya siyang ibalik ito sa nagbigay.

Ipinaliwanag umano niya na hindi siya pwedneg tumanggap ng regalo lalo pa at ang nagbigay nito ay opisyal ng isang kumpanya na sasailalim sa supervision ng kagawaran na kaniyang pinamumunuan.

Ani Piñol, maaari siyang makulong kapag tinanggap niya ang relo.

“I know it is Christmas but for us in government, there must be a careful discernment on what kind of Christmas presents we could receive and from whom,” dagdag pa ni Piñol.

 

 

Read more...