Pekeng IED, natagpuan sa harap ng Manila City Hall

Kuha ni Wilmor Abejero
Kuha ni Wilmor Abejero

Isang itsurang Improvised Explosive Device (IED) ang iniwan sa harapan ng Manila City Hall sa bahagi ng N. Lopez Street.

Isang palero o nagpapala ng basura ang nakakita sa hinihinalang bomba na kaniyang ibinigay sa isang street sweeper pasado alas sais ng umaga ng Miyerkules.

Agad naman itong dinala sa kalsada at inilayo sa Manila City Hall para makatiyak na hindi ito gaanong makapipinsala sakaling sumabog.

Ayon kay Manila Police District (MPD) station 5 head, Chief Supt. Romeo Desiderio, mayroon itong wiring, cellphone, dinamita at timer.

Gayunman, nang magsagawa ng disruption procedure ang mga tauhan ng Explosive and Ordnance Division (EOD), wala namang nakitang explosive content sa hinihinalang bomba.

Dahil dito, sinabi ni Desiderio na isa itong hoax IED at maaring iniwan lang para manakot.

Pinag-aaralan na ngayon ng MPD ang mga CCTV sa lugar para matukoy kung sino ang nag-iwan ng pekeng IED.

 

Read more...