Pag-appoint kina Bucayu at Ragos, dahil talaga kay Dayan ayon kay De Lima

Leila de Lima1Inamin ni Sen. Leila de Lima na totoong na-impluwensyahan siya ng dati niyang bodyguard at karelasyon na si Ronnie Dayan, na italaga si Rafael Ragos bilang direktor ng National Bureau of Investigation (NBI), at kay Franklin Bucayu bilang pinuno naman ng Bureau of Corrections (BuCor).

Matatandaang inamin ni Dayan sa pagdinig sa Senado na nakatanggap siya ng pera bilang suhol mula kina Ragos at Bucayu upang matulungan silang makuha ang mga naturang pwesto.

Ayon kay Dayan, nakatanggap siya ng P15,000 hanggang P30,000 mula kay Ragos, gayundin kay Bucayu.

Iginiit naman ni Dayan na wala siyang alam na galing pala sa iligal na droga ang kaniyang mga natatanggap na pera mula sa dalawa.

Kinumpirma ni De Lima na totoo ngang inirekomenda sa kaniya ni Dayan sina Bucayu at Ragos.

Aniya, natural lang naman sa mga kaibigan, kaanak o kasamahan sa trabaho sa gobyerno ang nagrerekomenda ng kanilang mga kakilala, pero ang huling desisyon ay nasa kaniya pa rin.

Tinanggap niya aniya sina Ragos at Bucayu dahil akala niya mapagkakatiwalaan ang mga ito ngunit hindi pala.

Pero giit ni De Lima, kung totoong tumanggap nga ng pera si Dayan mula sa dalawa, malamang na itinago ito sa kaniya dahil alam ni Dayan na hindi niya kukunsintihin ang ganoong gawain.

Samantala, pinanindigan rin ni De Lima ang pag-payo niya kay Dayan na mag-tago muna nang ipatawag siya ng mga mambabatas.

Katwiran ng senadora, isang moral obligation para sa kaniya na tulungan ang isang taong dati niyang nakarelasyon.

Read more...