Matobato, dapat makulong dahil sa kanyang mga pinatay-Gordon

 

Iminungkahi ni Sen. Richard Gordon na masampahan ng kaso ang confessed assassin na si Edgar Matobato, na una nang tumestigo sa harap ng Senado kaugnay sa mga extrajudicial killings na umano’y kinasangkutan noon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay dahil hindi naman aniya napatunayan ni Matobato ang katotohanan tungkol sa Davao Death Squad (DDS) na umano’y kaniyang kinabibilangan, pati na ang pagkakasangkot umano ni Duterte sa pagpatay sa mga kriminal noon bilang alkalde ng Davao City.

Bukod dito, laman aniya ng report ng Senate committee on justice na hindi napatunayan sa pagdinig na state sponsored ang mga pagpatay na may kaugnayan sa iligal na droga.

Gayunman, napatunayan naman ng kanilang komite na nagsisinungaling si Matobato.

Kaya naman ayon kay Gordon, dapat usigin si Matobato dahil sa pag-amin niya sa mga senador na pumatay siya ng isang hinihinalang teroristang Pakistani na si Sali Makdum.

Matatandaang si Matobato ay iniharap ni Sen. Leila de Lima sa Senado noon bilang pinuno ng Senate committee on justice, para patunayan umano ang kaniyang sinasabing existence ng DDS.

Pero sa kasagsagan nito ay pinatalsik ng mga kapwa niya senador si De Lima bilang committee chair.

Nabanggit rin sa report ang mga hindi naging magandang asal nina De Lima at Sen. Antonio Trillanes IV sa pagdinig, ngunit hindi na isinulong pa ni Gordon ang pagsasampa ng ethics complaint laban sa dalawa.

Magugunitang nag-walk out noon si De Lima matapos siyang batikusin sa hindi niya pagbanggit na may kaso palang nakabinbin laban kay Matobato, habang hinayaan naman ni Trillanes na makaalis si Matobato bago pa man ito matanong ng mga senador tungkol sa mga naturang kaso.

Nakatakda sanang ilabas ang nasabing report kahapon ngunit ayon kay Gordon, kailangan pa niya ng lagda mula sa majority ng kanilang committee members.

Read more...