Tinanggihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hiling ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na pakawalan ng pamahalaan ang mahigit 130 na political prisoners bilang bahagi ng peace negotiations ng magkabilang panig.
Sa Christmas tree lighting ceremony sa Malacañang, inulit ng pangulo ang kaniyang taos-pusong pagnanais na matigil na ang communist insurgency sa bansa.
Gayunman, sinabi ng pangulo na hindi niya palalayain ang mga rebeldeng komunista na nagsisilbi pa ng panahon para sa kanilang mga nagawang krimen.
Ayon pa sa pangulo, hindi niya kayang ibigay ang naturang hiling ng grupo dahil masyado na rin siyang maraming naibigay sa mga ito.
Sinabihan na aniya niya ang mga kinatawan ng NDFP na mag-sumite ng mga dokumentong nilagdaan ng magkabilang negotiating panels bago niya iutos ang pagpapalaya.
Sa kabila nito, ipinahayag naman ng pangulo na handa siyang palayain ang mga preso na may sakit na at may edad na 70-anyos pataas.
Sakali aniyang handa nang mapalaya ang mga ito at tatanggapin na ng kanilang mga pamilya, palalayain niya ang mga ito bago mag-Pasko.
Wala na rin naman aniyang silbi ang pagkulong sa isang taong masyado nang matanda at sakitin.