Inilarawan ng legal spokesman ni Marcos na si Vic Rodriguez ang pahayag ni Robredo bilang “the height of hypocrisy” o nasa sukdulan ang pagiging ipokrito.
Tinutukoy ni Rodriguez ang pahayag ni Robredo sa isang pulong balitaan kung saan ipinaliwanag niya ang mga dahilan kung bakit siya nag-bitiw sa pwesto bilang pinuno ng Housing and Urban Development Coordinating Committee (HUDCC).
Magugunitang sinabi ni Robredo na hindi na siya makakapagtrabaho nang maayos kung hind siya papayagan dumalo ng mga Cabinet meetings tulad ng sinabi sa kaniya ni Cabinet Sec. Jun Evasco.
Nakatanggap rin aniya siya ng impormasyon na mayroon nang planong pababain siya sa kaniyang pwesto bilang pangalawang pangulo at na nag-simula na ito.
Ngunit iginiit ni Rodriguez na si Robredo mismo ang nag-nakaw ng nasabing posisyon, kasama ng partidong kaniyang kinabibilangan at sinusuportahan na Liberal Party.
Ayon kay Rodriguez, sina Robredo at ang ka-tandem niyang presidential bet na si Mar Roxas ang pumigil sa tunay na nais ng mga tao na iluklok sa pwesto ng pangalawang pangulo.
Ipinakita lang aniya ni Robredo ang kaniyang tunay na kulay, at matagal na dapat aniya itong ginawa ni Robredo dahil sa pagiging halata ng kaniyang “adversarial attitude” at taliwas na paninindigan mula sa mga polisiya ng pangulo.
Samantala, sinabi naman ni Rodriguez na wala nang pakialam si Marcos sa kung tinanggal nga ba talaga si Robredo o nag-resign.
Gayunman ay iginiit niyang hindi sila sang-ayon sa naging pahayag ni Robredo kaugnay sa pagnanakaw ng vice presicency mula sa kaniya.