Ilang linggo bago ang pagsalubong sa bagong taon 2017 inilunsad ng Department of Health ang Oplan Iwas Paputok campaign.
Ayon kay Department of Health (DOH) Secreatry Paulyn Jean Rosell-Ubial dapat ipagdiwang ang holiday season nang malayo sa disgrasya.
Aminado ang kalihim taun-taon ay nanawagan sila at iba pang ahensya ng pamahalaan sa pag-iwas sa paputok pero marami pa rin ang nagpapaputok at nasusugatan.
Sa loob nga aniya ng nakalipas na limang taon tumaas pa ang bilang ng mga nasusugatan dahil sa paputok.
Sinabi ni Ubial na ang nakikita nilang dahilan sa nasabing problema ay ang kapabayaan ng mga magulang o nakatatanda na gumamit ang mga bata paputok habang para naman sa mga nakakatanda ay iyong mga nasa impluwensya ng alak.
Dahil dito sinabi ng kalihim na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga local government upang magkaroon ng community fireworks display para maiwasan na ang pagpapaputok ng ating mga kababayan.
Sinimulan ang kampanya ngayong araw sa pamamagitan ng isang programa sa Felipe Calderon Integrated School sa Tondo, Maynila kung saan hinikayat ang mga bata na huwag magpaputok gayundin binigyan ng mga ito torotot.
Ang mga bata aniya ang pinuntahan ng DOH upang sabihan ang kanilang mga magulang na huwag magpaputok.
Katuwang ng DOH sa programa ang iba pang ahensya ng pamahalaan kabilang na ang Bureau of Fire Protection, PNP, DepEd at iba pa.