Monthly pension para sa mga SSS members pinadaragdagan ng P2,000 ng isang Senador

sssNaghain ng panukalang batas si Senator Teofisto “TG” Guingona III na naglalayong madagdagan ng P2,000 ang buwanang pensyon na tinatanggap ng mga retired na miyembro ng Social Security System (SSS).

Sa inihaing Senate Bill No. 2888 ni Guingona, hiniling nitong amyendahan ang Section 12 ng Republic Act 1161 at maitaas ang halaga ng pensyon para sa mga SSS members. “So that needs of the SSS pensioners are better met, this bill seeks to provide an across-the-board two-thousand peso increase in the monthly pension with corresponding adjustment of the minimum monthly pension system,” ayon kay Guingona.

Sinabi ng senador na hindi na sapat ang kasalukuyang halaga ng pensyon para masuportahan ang pangangailangan ng mga miyembro nito.

Sa ngayon P1,200 ang monthly pension na tinatanggap ng mga retiradong SSS members para sa mayroong minimum 10 credited years, habang P2,400 monthly pension naman para sa mayroong 20 credited years.

Labingwalong taon na aniya ng huling naitaas ng 10% ang monthly pension ng mga SSS pensioners.

Sa ngayon mayroon nang kaparehong batas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na aprubado na sa ikatlong pagbasa./ Dona Dominguez-Cargullo

Read more...