2 opisyal ng PNP-SAF inalis sa listahan ng mga awardees sa 114th Police Service Anniversary

SAF/JAN.29,2015 Pictures of the slain PNP SAF killed in an alleged "misencounter" with MILF and BIFF in Mamasapano,Maguindanao displayed outside the gates of  Camp Bagong Diwa, Taguig. INQUIRER PHOTO/RAFFY LERMA
Inquirer file photo

Inalis ang pangalan ng dalawang opisyal ng Special Action Force (SAF) sa listahan ng mga pinarangalan sa ika-114 na anibersaryo ng police service sa Camp Crame ngayong umaga.

Sa kopya ng memorandum ng Philippine National Police (PNP) kung saan nakalista ang mga pararangalan, kasama ang pangalan ng yumaong si SAF Officer PO2 Romeo Cempron at ni Supt. Raymund Train na survivor naman sa naganap na Mamasapano encounter.

Nakasaad sa memorandum na dapat sana ay nabigyan si Cempron kanina posthumous award na Medal of Valor o Medalya ng Kagitingan ni Pangulong Aquino habang si Train naman ay Medalya ng Kabayanihan.

Pero sa program advisory na inilabas ng Malacanang at sa official program para sa nasabing event hindi na kasama sina Cempron at Train sa mga nakasulat na bibigyang parangal at sa aktuwal na seremonya ay hindi nga sila kabilang sa mga pinarangalan.

Noong nakaraang linggo naabisuhan na umano ang biyuda ni Cempron na si Christine na ang yumaong asawa ay isa sa pararalangan ni Pangulong Aquino ngayong araw.

Ayon sa source ng Inquirer.net, galing mismo sa Presidential Management Staff ang utos na alisin ang pangalan ng mga Mamasapano awardees sa programa. “There was a verbal instruction from the Presidential Management Staff to the PNP to remove the Mamasapano awardees from the program. The President did not want to bring back the memories of the Mamasapano [encounter],” ayon sa source na isang opisyal ng pamahalaan.

Dismayado naman ang pamilya ni Cempron sa nangyari. Ang pamasahe ng pamilya ni Cempron mula Leyte at hotel accommodation nila sa Maynila ay sinagot ng SAF. Binilhan na din ng isusuot na damit ang mga ito para sa awarding ceremony.

Pinaghandaan pa naman ng pamilya Cempron ang naturang seremonya dahil kung mabibigyan ng medal of Valor ang yumaong si Cempron, ang kaniyang pamilya ay makatatanggap ng buwanang cash allowance at ang mga anak ay maaring makapasok sa Philippine Military Academy (PMA) o kaya naman ay sa Philippine National Police Academy (PNPA) nang hindi na dadaan pa sa pagsusulit.

Samantala, nilinaw ng PNP na hindi talaga kasama sa mga binigyan parangal at pagkilala sa 114th police service anniversary ang mga SAF members.

Paglilinaw pa ni PNP Spokesman Director Chief Supt. Wilben Mayor ang mga pinarangalan ay dahil sa kanilang accomplishments sa taong 2014 at aniya ang Mamasapano incident ay nangyari nito lang nakaraang Enero.

Ayon kay Mayor, matagal na panahon ng deliberasyon ang kailangan para maigawad ang medal of valor.

Wala namang maibigay na paliwanag si Mayor kaugnay sa dokumento mula sa PNP Directorate for Plans na pirmado ni Chief Supt. Ferdinand Yuzon kung saan nakasaad na mabibigyan ng medal of valor si Cempron at Medalya ng Kabayanihan si Train./ Inquirer.net, Dona Dominguez-Cargullo, Jan Escosio

Read more...