Liberal Party, dapat maging solidong oposisyon na matapos ang resignation ni VP Robredo sa gabinete

leni-robredoUmapela si Ifugao Rep. Teddy Baguilat sa mga kaalyado sa Liberal Party na maglabas ng solidong party stand at magkaroon ng soul searching, matapos ang pagbibitiw ni Vice President Leni Robredo sa gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Paliwanag ni Baguilat, kailangang-kailangan ngayon ng suporta ni Robredo, na isa sa mga lider ng partido Liberal.

Inamin ni Baguilat na hindi na buo o matatag ang natitirang LP members, lalo’t marami sa mga ito ay bahagi ng supermajority ng kamara at senado.

Sa kasalukuyan, nasa tatlumpu’t apat ang mga LP Congressmen, habang lima ang LP Senators, na ayon kay Baguilat ay dapat lumantad na bilang tunay na oposisyon.

Bagama’t tama aniya ang pasya ni Robredo na kumalas sa Duterte cabinet bilang HUDCC head, marapat na maipakita sa kanya ng mga taga-LP ang pagkakaisa para sa bise presidente.

Dagdag ni Baguilat, hindi dapat manahimik ang LP sa mga isiniwalat ni Robredo kaya siya umali sa gabinete, gaya ng planong pagpapatalsik sa kanya bilang vice president at pagpigil sa kanya na dumalo na sa cabinet meeting.

Ayon sa kongresista, masyadong nakakaalarma na may tangkang palayasin si Robredo sa kanyang pwesto, gayung milyung-milyong Pilipino ang naghalal sa kanya sa pwesto at patuloy na sumusuporta sa kanyang mga ipinaglalaban.

 

 

Read more...