Pag-agaw sa vice presidency, spekulasyon lang ni Robredo – Andanar

leni - duterteSariling spekulasyon ni Vice President Leni Robredo ang pahayag nitong nagsimula na ang mga plano na kunin sa kaniya ang vice presidency.

Ayon kay Presidential Communications Office, Sec. Martin Andanar, ang mga usapin at protesta sa pwesto sa pagka-bise presidente ay sa pagitan lamang nina Robredo at dating Senador Bongbong Marcos.

Wala aniyang kinalaman sa usapin ang Malakanyang.

Dagdag pa ni Andanar, hindi trabaho ng palasyo ang magdeklara ng kung sino ang dapat matanggal sa pwesto na inihalal ng taumbayan.

Hindi rin umano nila pakikialaman, anuman ang maging pasya ng Presidential Electoral Tribunal (PET) sa protesta.

“iyong ‘stealing the vice presidency issue’, dispute iyan between the vice president and former Sen. Marcos. Ang speculation ni VP with regards to stealing the vice presidency is her own speculation. It is not our job to remove people from office. it is not also our concern, kung sino sa kanila mananalo sa Presidential Electoral Tribunal,” ani Andanar.

Sa ngayon, hindi pa natatanggap ng Malakanyang ang pormal na resignation letter mula kay Robredo, bagaman inianunsyo na ito ng kampo ng bise president kahapon.

Ani Andanar, sa sandaling matanggap na nila ang kopya, ay saka pa lamang magpapasya ang pangulo kung tatanggapin ito o hindi at kung sakaling tanggapin ay saka magpapasya kung sino ang ipapalit na pinuno ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC).

Una rito, sinabi ni Andanar na ang pasya ni Pangulong Duterte na huwag nang padaluhin si Robredo sa mga cabinet meetings simula ngayong araw ay dahil sa pagkakaiba nila ng pananaw sa maraming isyu.

Ilan sa tinukoy ni Andanar ang isyu sa Marcos burial at ang laban sa illegal drugs ng administrasyon.

 

Read more...