Sa kanyang inilabas na statement, sinabi ni VP Robredo na simula pa lamang ay may mga pagkakaiba na sila sa tinatahak na prinsipyo ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Isa na rito aniya ang kanyang pagkontra sa paglilibing sa mga labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Bukod dito aniya dito, hindi rin siya sang-ayon sa mga kaso ng extrajudicial killings, panunumbalik ng death penalty at ang patuloy na ‘sexual attacks’ laban sa mga kababaihan.
Bukod dito, nagsimula na rin aniya ang mga hakbang upang patalsikin siya sa puwesto bilang Pangalawang Pangulo ng bansa.
Kahapon aniya, nakatanggap sila ng text message mula sa kampo ni Cabinet Secretary Jun Evasco Jr., na direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na idinaan kay Bong Go na nagsasabing hindi na siya dapat na dumalo sa mga susunod na Cabinet meeting.
Dahil aniya dito, nagpasya na siyang bumitiw na sa Gabinete.
Sa kabila aniya ng kanyang pagbibitiw sa puwesto bilang HUDCC chair, magpapatuloy pa rin ang kanyang hangaring isulong ang mga positibong inisyatiba na nais na isulong ng pamahalaan.
Nangako rin si Robredo na hindi hahayaaang nakawin ng sinuman ang puwesto ng pagka-Pangalawang Pangulo.