Mayroon nang maikling listahan ang Judicial and Bar Council na pagpipilian ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa hihiranging kapalit ni Supreme Court Associate Justice Jose Perez na magreretiro sa pwesto sa December 14, 2016.
Apat na mga mahistrado ng Court of Appeals ang pasok sa listahan.
Nangunguna na sa listahan si CA Justice Jose Reyes na may pitong boto.
Tig-limang boto naman ang nakuha nina CA Justice Japar Dimaampao, Apolinario Brusales at Sandiganbayan Justice Samuel Martires.
Si CA Presiding Justice Andres Reyes naman na nasa panglimang pwesto ay nakakuha ng apat na boto.
Ang posisyon iiwanan ni Perez ang unang magiging appointee ni Duterte sa Korte Suprema.
Magkakaroon naman ng hiwalay na botohan ang JBC para sa isusumiteng shortlist sa babakantehing pwesto ni Supreme Court Associate Justice Arturo Brion na magreretiro naman sa December 29.
Sa ilalim ng Saligang Batas, mayroong 90 araw ang pangulo mula nang mabakante ang pwesto sa Korte Suprema para maghirang ng bagong mahistrado sa Katas-taasang Hukuman.