Pagbabawal sa pag-angkas ng mga bata sa motorsiklo, suportado ng Motorcycle Philippines

inq file
Inquirer file photo

Sang-ayon ang pinakamalaking samahan ng mga motorcycle riders sa bagong batas na nilagdaan ni Pangulong Noynoy Aquino na nagbabawal sa mga bata na umangkas sa mga motorsiklo.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Motorcycle Philippines Federation Director Atoy Sta. Cruz na mas mahalagang bigyan ng pansin ang kaligtasan ng mga kabataan kumpara sa perang matitipid sa pagsakay ng publiko sa mga motorsiklo lalo na sa mga delikadong lugar.

Binatikos din ni Sta. Cruz ang mga grupong nagsasabing “anti-poor” ang R.A 10666 dahil kinikitil daw nito ang karapatan ng publiko para sa mas murang uri ng transportasyon.

Sa ilalim ng R.A 10666, bawal nang sumakay sa mga motorsiklo ang mga kabataan kundi abot ng kanilang mga paa ang foot peg ng motorsiklo.

Ayon kay Sta. Cruz, walang katapat na halaga ang buhay ng mga kabataang maililigtas dahil sa pagpapatupad ng naturang batas.

Hindi na rin sila papayagang umangkas sa anumang uri ng two-wheeled motorcycle units kundi pa nila kayang humawak sa bewang ng nagmamaneho.

Salig sa batas ay kailangang ang mga sakay ng motorsiklo ay mag-suot ng required helmets na pumasa sa kalidad ayon sa Philippine Standards.

Ang mga lalabag sa batas ay pagmumultahin at kapag naulit pa ito sa ika-apat na beses ay revocation na ng driver’s license ang kanilang kakaharapin.

Bukod sa pagpapatupad ng naturang batas hinamon din ng grupo ni Sta. Cruz ang pamahalaan na ayusin ang ilang mga regulasyon partikular na sa mga lansangan na dapat daanan ng mga motorsiklo./ Den Macaranas

Read more...